Si J at ang Gate 1 sa Camp Aguinaldo
(Bilang isang manunulat, nais kong aminin at ipaintindi na hindi ako gaanong matatas sa pagsulat ng “blog” sa Tagalog. Bihira kong gamitin ang sariling wika. Pero dahil na-trip-an ko. Wala ng atrasan pa.)
Walang stars nung gabing iyon.
Madilim.
Pero wala akong naramdaman ni katiting na takot.
Kung susumahin, estranghero pa sakin ang kasama ko nun.
Pero sa hindi madalumat na dahilan, wala akong nadamang pag-aalinlangan.
Paandap-andap ang kamay nya’y sumasaling sa mga kamay ko.
O di kaya’y banayad na pumapatong sa balikat ko.
Paminsan ay napupunta sa bewang ko habang bianbagtas namin ang kahabaan ng madilim na kalsada papuntang Gate 1. Ihahatid na nya ko nun pauwi.
At nung pagkakataong iyon, sabi ko sa sarili ko: “Iba siya”.
Hindi ko mailahad ng buo, pero kung naramdaman mo na ang pakiramdam na parang ayaw mo na umuwi kahit alam mong pagagalitan ka pag-uwi, ang pakiramdam na para kang lulutang sa himpapawid sa bawat pagdampi ng kanyang labi, ang pakiramdam na sa bawat bulong, ang mabining amoy ng kanyang hininga sa iyong tenga at ang kiliting dumadaloy sa iyong gulugod sa tuwing bubulong siya ng “Akin ka lang ha?”, sigurado akong malinaw sa’yo ang kwento ng gabing iyon.
Ordinaryong gabi. Ordinaryong tao. Ordinaryong lugar.
Ngunit hindi ko alam kung bakit pag pinagsama-sama ang mga yan ay isang espesyal na alaala ang sumasamyo sa aking kamalayan.
Maaring hindi palaging ganyang kawagas at kaganda ang bawat gabi. Maaaring bukas ay sabihin nyang ayaw na nya. Maaaring niloloko ko lang aking sarili sa paniniwalang siya na talaga. Pero ang naisip ko, kailangan mo ba talagang hilingin ang isang bagay na kayang-kaya namang ibigay sayo ng tadhana kung nakatakda talaga para sa’yo.
Minsan mas masarap magpatangay sa agos.
Mas masarap managinip sa ulap.
Mas masarap maniwala sa mga bagay na walang kasiguraduhan.
Walang masama. Ganyan ang tao. Hinahabol lahat ng pagkakataon para sumaya sa pag-ibig. Dahil ito ang pinakamatamis na bagay na hindi nababayaran. Ang pinakamasarap na pakiramdam na hindi nananakaw. At ang pinakadalisay na emosyon na hindi matutumbasan.
Dahil ang sabi nga:
“it’s the closest thing we have to magic”

Leave a Reply